Ni John Iremil Teodoro
DAHIL isang taon ang aking sabbatical leave at dito ako sa ancestral home namin sa Antique titira most of the time, naisip namin ng partner kong si Jay na magpakabit ng internet. Kahit na malakas naman ang LTE signal sa aming iPhone, naisip namin na mas stable pa rin ang koneksiyon kung magpakabit kami sa isang internet provider.
Siyempre ang una naming naisip ang isang established na telco na hindi ko na babanggitin ang pangalan. May billboard ito malapit sa bahay namin. Nag-apply kami sa pamamagitan ng isang ahente nila na nagbigay sa amin ng brochure nila noong nandito kami sa Maybato noong Agosto. Kahit Sunday ako nag-text agad siyang pumunta sa bahay at pina-fill up ako ng application form. Sabi niya, kinubukasan ng Lunes niya ito ipa-process sa kanilang opisina sa banwa at sa Martes daw ikakabit na nila ang linya. Proud pa siyang magsabing one day processing lang daw sila.
Na-excite naman kami. Lunes ng umaga, nakatanggap na ako ng text mula sa telco na ito na approved na ang aking aplikasyon at papunta na raw ang mag-i-install sa bahay ng 1:00 to 5:00 PM. Hintayin ko lang daw. Impressive! sabi ko. Ang bilis. Naisip ko, iba talaga kapag malaking kompanya. Alas-sais na ng gabi, walang dumating na installer. Naisip ko, baka bukas talaga. After all sabi ng ahente, Martes naman talaga. Kinagabihan nakatanggap ako ng text na hindi na raw makakarating ang installer nila at sa susunod na araw na lang daw. Medyo tumaas na kilay ko dahil bakit pa sila nag-text na hindi na dadating e alam ko na ngang hindi dumating!
Nang sumunod na araw may text na naman. 1:00 to 5:00 hintayin ko raw ang installer nila. Wala uling dumating. Nag-message ako ng REPORT doon sa number na ibinigay nila sa text kung hindi raw dumating o tumawag ang installer nila. Mga alas-sais uli ng gabi, nag-text ang telco na hindi raw mahanap ng installer nila ang bahay namin. Doon na ako napikon. Ako pa ngayon ang may kasalanan! Una, alam ng ahente nila ang bahay namin. Pangalawa, nasa tabi lang ng highway ang bahay namin dahil landmark ito ng aming barangay. Ilang dekada na bahay lang namin ang two floors na simento sa aming lugar. At pangatlo, kung nasa Maybato Norte sila (o kahit pati na sa Maybato Sur), magtanong lang sila kung nasaan ang bahay ni Captain Teodoro ay tiyak na ituturo sila kung nasaan ito. (Hindi pa uso ang pagiging seaman dito sa Isla Panay, kapitan na ng barko ang tatay namin.)
Ang problema sa telco na ito, nang mag-text ako para ka magreklamo, robot ang sumasagot. Walang makakausap o maka-chat sa kanila. Pinapa-cancel ko na ang aplikasyon ko. Maghahanap na ako ng ibang internet provider. Ang ahente namang kausap ko, dedma rin. Kahit gin-text ko na pinapa-cancel ko na ang aking aplikasyon dahil napaka-unprofessional nila. Kinaumagahan, pumunta ang ahente sa bahay. Papunta na raw ang installer nila. Sabi ko nag-text na ako sa kaniya a day before na pinapa-cancel ko na ang aplikasyon ko. Nakiusap pa sana siya. Sayang daw kasi approved na ng central office nila sa Manila. Sabi ko sa kaniya, hindi ako nasasayangan at mas worried na ako sa idea na maikabit man kaagad nila ang linya subalit kung magkaproblema sa signal mukhang wala akong mati-text o matatawagan. Ang mga naka-publish na contact number at mass media account ng kompanyang ito ay robot lang naman talaga ang sumasagot. Luyloy ang balikat ng ahente na umalis. Naawa din naman sana ako pero ayaw kong ma-stress.
Ilang minuto lang nakaalis ang ahente, nakatanggap uli ako ng text message mula sa telco. Papunta na raw ang installer nila nang 1:00 to 5:00 PM. Nagalit ako! Paulit-ulit? Hinanap ko sa internet ang email ng kompanya sa website nila. May customer service email sila. Sumulat agad ako. Sinabi ko pinapa-cancel ko na ang aplikasyon ko dahil unrealible at unprofessional ang office/staff nila dito sa Antique. Idinagdag ko pa na baka hindi pa sila talaga handa na mag-expand dito sa Antique. Sa bahay kasi namin sa Pasig itong telco namang ito ang internet provider. Matino naman silang kausap. Kapag may problema kami sa linya, napupuntahan naman nila agad.
Blessing in disguise na palpak ang installation process ng telco na iyon dito sa Antique. Nang tinanong ko kasi ang isang kamag-anak namin kung ano ang internet provider nila, agad niyang sinabi na sa Barbaza Multi-Purpose Cooperative (Barbaza Coop) na raw kami magpakabit. Kinuwento ko sa kaniya na naimbudo kami sa aplikasyon namin sa malaking telco na iyon. Sabi niya, huwag kayong magpakabit sa malalaking telco (dalawa ang binanggit niya) dahil kapag may problema sa linya, wala kang matatawagan. Sa Barbaza Coop daw may number na puwedeng i-text at pumupunta agad sila para tingnan ang problema ng linya ninyo. Saka dahil kooperatiba daw, may rebate pang matatanggap pagkatapos ng limang taon.
Na-excite ako lalo at agad kami pumunta sa opisina ng Barbaza Coop sa banwa para mag-inquire. Madali ang proseso nila. Pina-fill up kami ng application form at pagkahapon may nag-check na ng linya sa bahay namin. The next morning nagbayad kami ng installation fee at membership fee sa coop, at pagkahapon nag-install na sila agad. Sa halagang PhP1,580 kada buwan may 20 mbps na kami at may kasamang cable pa. Kasama sa mga channel ang mga paborito kong DW, BBC World, at Channel News Asia! Ang catch, napabili kami ng smart TV nang wala sa oras. Kaloka!
Maganda ang kooperatiba dahil paraan ito ng mga ordinaryong tao na makapag-ipon at labanan ang masyadong kapitalista at kunsumeristang sistema ng mga komersiyal na bangko at malalaking kompanya. Bagamat kapitalistang aparato pa rin naman ang mga kooperatiba (kayâ nga kailangang may share capital tayo kapag miyembro tayo nito), hindi hamak na mas makatao ito kaysa mga bangko at malalaking negosyo dahil may shared profit dito at kahit maliit lang ang kapital natin ay makakasali tayo.
Magandang halimbawa itong internet connection namin sa Barbaza Coop. Kung doon kami sa telco na ‘yun, kikita lang sila sa amin at at the mercy pa kami sa serbisyo nila. Kung maganda e di okey pero kung palpak sila, mamamatay na lamang kami sa sama ng loob. Sa Barbaza Coop dahil miyembro na kami, habang nagbabayad kami para sa internet connection namin buwan-buwan ay may bumabalik na pera sa amin.
Sa kooperatiba na tayo kaysa malalaking kompanya. Sa kooperatiba co-owner tayo. Sa malalaking kompanya, kliyente lang tayo. Sa kooperatiba, may magandang serbisyo na may hati pa tayo sa kita sa pamamagitan ng dividend. Ito ang tinatawag nilang win-win situation.